Hindi lang sa husay sa pag-arte ang talento ng ilang Kapuso star. Ang ilan sa kanila, astig sa kanilang hobby pagdating sa motorbikes at mga sasakyan.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing isa sa mga certified rider si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Madalas na gamit ni Dingdong ang kaniyang bikes, tulad sa maternity shoot ng asawang si Marian Rivera.
Ginagamit din ni Dingdong ang kaniyang motorsiklo para mag-deliver ng mga bulaklak mula rin sa business ng Kapuso Primetime Queen.
Sa kabila ng pagiging ama, asawa, aktor at kaniyang mga advocacy, naisisingit ni Dingdong ang hobby na ito.
"Balance kasi iyon talaga ang pinakahinahanap natin sa lahat, balanse kahit sa relationship, 'di ba? Paano mo ime-maintain 'yung balance na iyon, balance sa health versus palagi tayong kabilang bahagi, 'yung trabaho," ani Dingdong.
Para naman kay Jason Abalos, pampaalis niya ng stress ang pagmomotor.
Dahil sa kaniyang motor, marami nang napuntahang magagandang lugar ang lead actor ng Kapuso series na "Bihag."
Ngunit rule ni Jason na hindi isama ang girlfriend na si Vickie Rushton sa pagsakay dito.
"Pagka motorbike hindi ko siya sinasama kasi natatakot ako para sa kaniya. Kumbaga, kung may mangyari man sa akin, ako na lang. Pero 'wag naman sana," sabi ni Jason.
Miyembro naman si "Biyahe ni Drew" host Drew Arellano ng grupo na hindi lamang mahilig sa motorbikes kundi nagpo-promote din ng positibong motorcycle culture.
Nagbigay ng basic tips si Drew sa mga kapwa riders at drivers.
"You can't say it too much because parati mo kailangan sabihin sa mga tao at sa mga motorista na kailangan niyong i-check kung may gas kayo, kung okay ang tires niyo, check niyo 'yung oil niyo, check niyo 'yung water niyo," saad niya.
"They know that naman. It is just a matter of how they drive and how they transport themselves during the byahe. I guess everyone say naman, just be a defensive driver. Sabi nga nila it's the journey not the destination," patuloy ni Drew.
Hindi rin magpapatalo ang mga Kapuso girls kung pa-astigan ang pag-uusapan.
Ang asawa ni Drew na si Iya Villania, sumailalim sa course na pagsakay ng big bikes at nagbahagi pa ng kaniyang training video.
Samantalang sumasali rin sa mga car races sina Jasmine Curtis-Smith, Klea Pineda at "Unang Hirit" host na si Joyce Pring.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
