Matapos ang matagumpay nilang pagsasama sa seryeng "Asawa Ko, Karibal Ko," muling magtatambal sina Kris Bernal at Rayver Cruz para naman sa isang Kapuso suspense- thriller series.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24Oras" nitong Lunes, sinabing makakasama nina Kris at Rayver sa upcoming series si 2013 Miss World Megan Young.

Sa look test ng kaniyang upcoming project, sinorpresa ng ilan niyang kasamahan si Kris para sa kaniyang 30th birthday noong Biyernes.

Mas mature at mas palaban na raw si Kris ngayon kaya akmang-akma sa kaniya ang gagampanan niyang role sa bagong proyekto niya.

"First time ko ulit gawin na I'm sure ma-e-excite yung mga tao. Kasi nga ibang iba talaga," saad niya.

Si Rayver naman, sinabing mas magiging madali na ang muling nilang pagsasama ni Kris sa proyekto.

"Siguro magiging mas madali lang kasi ano na eh kung baga may rapport na kami sa bawat isa. Babaguhin na lang namin kung papaano yung atake ng bawat isa kasi iba naman yung character," paliwanag ng hunk actor.

Bukod sa kanilang upcoming series, excited na rin daw sina Kris at Megan sa panibagong season ng "Starstruck," kung saan sila kapwa nadiskubre.

Payo ni Megan, i-absorb lang ang mga matutunan sa Kapuso artista search dahil nadala niya raw ito hindi lang sa pagiging artista kundi maging sa Miss World pageant.

"Dahil sa paggawa namin ng lahat ng 'yon madi-discover mo din kung ano yung pinaka-gusto mo. Kung gusto mo ba siya o hindi, mate-test 'yon kasi bata ka pa eh madi-discover mo pa yung mga bagay-bagay na gusto mong gawin sa buhay," paliwanag ni Megan.

Sabi naman ni Kris, "Siguro ibigay mo lang yung hundred percent mo. Kasi ako I auditioned na hindi ako sumasayaw, hindi ako kumakanta, lagi akong nasa ibaba, pero siguro nakita nila na, 'ah palaban siya.'" -- FRJ, GMA News