Balik-musika ang singer at dating "Orange and Lemons" vocalist na si Mcoy Fundales matapos ang halos isang dekada.
"My last album was full length, 2010 pa yata. So almost nine years na. I'm happy and excited kasi for almost five, six years, nagsusulat na ako for TV. Eh, tuloy ang tawag ng musika. I decided to answer back. Nagsimula uli akong mag-record ng single."
"Palagay ko I'll be doing this again kasi feel ko na ulit," pahayag ni Mcoy.
Pumirma si Mcoy ng kontrata sa label na altG Records kasama sina Reiman Gesmundo at song producer Kedy Sanchez nitong Biyernes.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Mcoy na mayroon siyang bagong single.
"Bakit Kita Hahabulin?' by Kian Dionisio. It's written by a promising songwriter. Ang ganda nu'ng kanta. The first time I heard it, it's witty. 'Yung pagkakasulat ng kanta is smart. Sabi ko, ito na 'yung mga ganitong kanta na gusto kong i-interpret ngayon," sabi ni Mcoy.
"Modern kundiman talaga ito eh. It's a Filipino love song kaya lang nakakatuwa dahil in denial 'yung kanta eh. You hear the emotion na nagpapakatatag 'yung lyrics na nagpapakatatag siya. But in truth, ang sakit eh!" dagdag pa niya.
Hudyat na raw ito ng kaniyang pagbabalik sa musika.
"Tuloy-tuloy na ako. Andito na ako eh. Tsaka sabi ko nga, I'll still go back to music whatever I do. I'll write songs if I hear a song written by other songwriters, I'm very open to sing it, basta maganda 'yung kanta. Yeah! Why not?"
Mcoy Fundales goes back to music after almost a decade. He signed a contract today with altG Records. @gmanews pic.twitter.com/UyEqPv0Uj1
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) May 24, 2019
Natanong si Mcoy kung paano niya hinuhugot ang inspirasyon sa pagsulat.
"Well, everyday people, mga experiences ng mga nakakausap ko. Chismoso ako eh! Tsaka observant ako eh. If I talk to you, if I observe you, most probably kung hindi script sa Pepito [Manaloto] 'yan, malamang ikaw na 'yung subject ng sumunod ng kantang sinusulat ko."
Lingid sa kaalaman ng lahat, writer na rin si Mcoy para sa Pepito Manaloto, at nagpi-pitch din siya para sa ilang GMA shows.
"I'm currently one of the writers of Pepito Manaloto, I'm writing for Stories for the Soul... I'm also pitching shows, comedy shows. Marami, marami akong ginagawa."
Taong 2007 nang mag-disband ang Orange and Lemons. Ilan sa mga sikat nilang kanta ay Hanggang Kailan (Umuwi Ka Na Baby), Heaven Knows, Abot Kamay at Just Like A Splendid Love Song.
Matapos nito, binuo naman ni Mcoy ang bandang Kenyo kasama sina JM and Ace del Mundo.
Nagustuhan ni Mcoy ang pagbabalik niya sa musika, dahil pakiramdam niyang hobby na niya ito ngayon at hindi "trabaho."
"Yeah I'm doing this again, singing. Doing music is a wonderful break from writing. Kumbaga ito na 'yung dessert ko ngayon. This is gonna be my hobby which is what I always wanted. 'Yung pagkanta na hindi trabaho, 'yung pagkanta na masarap lang kasi mahal mo, gusto mong gawin. So I'm excited to promote the single." —LBG, GMA News
