Inihayag ng writer-director na si Bibeth Orteza, na kritikal pa rin ang kalagayan ng beteranong aktor na si Eddie Garcia dahil sa severe cervical fracture na tinamo niya sa isang insidente habang nasa taping.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni Bibeth, kaibigan ng pamilya ni Eddie, na "in deep sleep" ang  90-anyos na aktor habang nakaratay sa ospital mula nitong Linggo.

"Noong dinalaw ko siya kahapon, he was still in deep sleep and nilalagyan siya ng traction para mabawasan 'yung pressure. He was in deep sleep kahapon so hindi siya nakakausap," paliwanag ni  Bibeth.

Hindi rin umano atake sa puso ang dahilan ng nangyari kay Eddie gaya nang unang inakala.

"Nakita na hindi nagka-heart attack. Ni-rule out 'yung heart attack, ni-rule out 'yung aneurysm, ni-rule out 'yung heatstroke," sabi ng writer-director matapos umanong masuri sa ospital si Eddie.

Una rito, naglabas ng pahayag ang GMA Network na nire-review nila ang mga video nang bumagsak ang aktor habang nasa taping.

Patuloy naman na humihingi ng panalangin ang pamilya ni Eddie para sa agarang niyang paggaling.—FRJ, GMA News