Sa programang "Tunay Na Buhay," binalikan ni Snooky ang kaniyang career sa pagdiriwang niya ng ika-50 taon sa showbiz, mula sa pagiging child star hanggang sa kaniyang mga naging leading man.

Ipinanganak bilang Maria Milagros Sumayao Serna, panganay si Snooky sa tatlong magkakapatid. Tatlong-taong-gulang pa lamang siya nang magkaroon na siya ng pelikula.

Mula sa pagiging child star, naging teen star si Snooky na bumida sa maraming pelikula.

Sa panayam ni Rhea Santos, sinabi ni Snooky na kahit kailan ay hindi ipinaramdam sa kaniya ng kaniyang mga magulang—na mga artista rin na sina Mila Ocampo at Von Serna,  na sikat siya.

Nang magdalaga, nakatrabaho niya sina Maricel Soriano at Dina Bonnevie at napabilang din sa "Regal Babies" ni Mother Lily Monteverde. Nakatambalan niya ang mga sikat na matindee idol tulad nina Albert Martinez, Gabby Concepcion at Richard Gomez.

Saad ni Snooky, nang panahon nila bilang "Regal Babies," si Maricel ang itinatapat sa kaniya, bagay na ipinagtataka raw niya dahil magkaibigan sila ng aktres.

Tumatak daw ang pelikula nila ni Richard na "Blusang Itim," kaya naman mas nagningning pa siya sa showbiz at naaalala pa rin ito ng mga tao sa kaniya hanggang ngayon.

Panoorin ang buong panayam kay Snooky sa video na ito:


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News