Sugatan ang isang 17-anyos na Grade 10 student matapos siyang bugbugin ng dalawa niyang kapwa estudyante sa Bacolod City. Ang biktima, nangantiyaw umano ng mga kaklaseng babae.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV na iniulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagtamo ng bukol sa ulo at sugat sa braso ang biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng kapulisan, na nagsimula ang away dahil sa pangangantiyaw umano ng biktima sa ilang kaklaseng babae.
Tumanggi nang magbigay ng panig ang mga sangkot na insidente.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DepEd kaugnay ng insidente. —Jamil Santos/VBL GMA News
