Inilahad ni Starstruck hopeful Rere Madrid na may pag-aalinlangan ang kapatid niyang Kapuso star na si Ruru Madrid sa kaniyang pag-aartista, kaya hindi niya muna sinabi sa kaniyang kuya ang pag-audition niya sa artista search.

Pasok ang 18-anyos na si Rere sa Starstruck Final 14, na ipinakilala sa media nitong Martes. Siya ang bunso sa kanilang magkakapatid nina Ruru at Rara.

Dose-anyos (12) pa lang daw ay nagmo-model na si Rere. Bukod dito, kasali rin sila nina Ruru sa Philippine Educational Theater Association (PETA).

Nakita aniya ni Rere ang hirap ng pag-aartista kay Ruru, lalo't pinayuhan pa siya ng kuya na unahin muna ang pag-aaral. Kung kaya hindi niya agad sinabi kay Ruru na sasali siya ng Starstruck.

"Opo kaya po siguro ayun po 'yung dahilan kung bakit dati sabi niya, 'Mag-focus ka muna sa studies mo kasi sobrang mahihirapan ka.' Pero 'yun nga po, lately niya na lang talaga nalaman na nag-audition ako dito," saad ni Rere sa media conference ng Starstruck Final 14.

"Hindi niya talaga totally alam. Nu'ng Top 80 kami, hindi niya alam. Then Top 40 du'n niya lang nalaman, parang may nagsabi daw po sa kaniya na prod na kasali ako sa Starstruck."

Gusto raw isorpresa ni Rere ang kaniyang kapatid.

"Kasi po gusto kong malaman niya na 'pag nakapasok na po ako sa Top 14."

Kinuntsaba rin ni Rere ang kanilang mga magulang na huwag muna sabihin kay Ruru ang kaniyang pagsali.

"Hindi, like sinabi ko po sa kanila na huwag munang sasabihin," anang Starstruck hopeful.

Inilarawan ni Rere kung paano sila nagkukulitan at nagba-bonding bilang magkakapatid.

"Ako 'yung pinaka-understanding of course. He he! Pinakamakulit siya (Ruru) kasi before po kasi talaga nu'ng hindi pa siya nag-aartista kaming dalawa talaga 'yung sobrang close kaysa kay ate so parang kami, nagkakasundo kami every time gusto namin asarin si ate, ganu'n. Okay kami. Ngayon pong artista na siya, parang pinaka-bonding na lang namin 'pag may free time siya, movie, kain kami ng Ramen."

At dahil pasok na siya sa Starstruck Final 14, natanong si Rere kung hindi ba siya nakararamdam ng pressure na pag-igihan dahil artista rin ang kaniyang kuya.

"Sobrang nape-pressure po ako but isa 'yun sa dahilan kung bakit po ako sumali dito sa Starstruck, kasi gusto ko makilala nila ako na hindi lang isang Rere Madrid na kapatid lang ni Ruru. Gusto ko pong makilala nila ako as Rere Madrid na kayang makipagsabayan sa ibang artista and willing naman din paghirapan kung ano 'yung pangarap niya, 'yun po 'yung pag-aartista."

Ano naman kaya ang ipinayo sa kaniya ni Ruru ngayong alam na nito na isa na siyang Starstruck hopeful?

"Ang sabi niya, mahalin ko lang daw ang craft ko kasi 'pag mahal ko daw kung alin 'yung craft ko, may mararating ako sa buhay, mararating ko kung ano 'yung pangarap ko."

Hindi raw malilimutan ni Rere ang komentong natanggap niya sa council member na si Cherie Gil.

"'Yung sinabi po ni Cherie Gil sa akin na, it's not advice eh, napuri niya po 'yung acting ko na sabi po [niya], sobrang natural ko daw po umarte."

Nag-enroll si Rere sa Grade 12 sa New Era University sa pamamagitan ng homeschooling, para mapaglaanan niya ng oras ang Starstruck at studies.

Inilahad ni Rere na ito ang sakripisyo niya para maabot ang pangarap na maging artista.

"'Yung studies ko. Ako po kasi gusto ko po talaga maranasan na ga-graduate ako then makakatanggap ako ng diploma. Ayun po 'yung hindi ko mararanasan this year kasi homeschool ako."

Gayunman, determinado si Rere na harapin ang hamon.

"So kailangan talaga na focus pa rin sa studies. Kung mahal mo naman 'yung trabaho mo kaya mong pagsabayin lahat eh." —LBG, GMA News