Sa media conference, sinagot ng boys ng 'Starstruck' Final 14 ang mga tanong ng showbiz press tulad ng kung sino ang mga iniidolo nilang artista, mga crush at maging ang sakripisyo na kanilang ginawa para matupad ang kanilang pangarap na maging artista.

Sa Chika Minute ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakilala ang mga guwapong nakalusot sa susunod na round ng kompetisyon na sina Abdul Rahman, Allen Ansay, Gelo Alagban, Karl Aquino, Kim de Leon, Jeremy Sabido, at Jerick Dolormente.

Sa tanong na kung sino ang pinaka-kinatatakutan nilang judge sa "Starstruck, sabi ni Kim, "Si Miss Cherie [Gil] po. Kasi precise po siya mag-comment at gusto ko po i-challenge ang sarili ko knowing na takot ako sa kaniya."

Nang tanungin naman kung sino ang gusto nilang sundan na yapak sa showbiz, sabi ni Karl, "Mark Herras at Rayver Cruz. Kasi mga bad boys ng dance floor."

Si Allen naman, "Si Dingdong [Dantes] po. Kasi magaling po siya sa acting at Alden [Richards] kasi ang lakas ng dating niya."

Very open naman si Abdul sa kaniyang feelings para sa Fil-Am model at kapwa-finalist na si Pamela Prinster .

"Sa una lang simple lang talaga, but when I start talking to her she has this mature strong feel to her," pag-amin ni Abdul.

Flattered naman si Jerick na masabihang kahawig niya si Alden, at handa raw siyang gawin ang mga task at challenges para manalo.

Tiwala naman si Jeremy na sa kaniyang personality para siya ang manalo sa kompetisyon.

Ikinuwento rin nila ang kani-kanilang sakripisyo upang maabot ang pangarap na maging artista.

"Kailangan ko pong iwan family ko sa Iloilo for this dream," sabi ni Gelo.-- FRJ, GMA News