Naging emosyonal si Alden Richards sa mga papuring binitawan sa kaniya ng direktor nila ni Kathryn Bernardo sa pelikulang "Hello, Love, Goodbye," na si Cathy Garcia-Molina.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing isa raw sa mga pinaka-challenging na role ginampanan ni Alden ay ang pagiging OFW na si Ethan.
Kinailangan daw niya kasing ipakita ang sari-saring emosyon ng makulay na kuwento ng isang OFW na malayo sa kaniyang pamilya.
Sa ginanap na presscon ng pelikula nitong Martes ng gabi, binigyang papuri ng direktor ng pelikula si Alden, hindi lang sa husay sa pag-arte kung hindi maging sa kabaitan ng Kapuso actor.
"Sabi ko mukhang marunong umarte itong batang ito [Alden]. Nagkamali ako, hindi siya marunong, magaling siya," sabi ng batikang direktor.
"Thank you at napakabait na tao," pahabol niya.
Napayakap na lang si Alden sa direktor na lubos na nagpapasalamat sa magagandang komento sa kaniya.
"Kung si direk Cathy magsabi nu'n parang talagang sobra akong na-move, na-touch na parang hindi ko akalain ganu'n 'yung magiging effect ko kay Direk while doing this film," saad ni Alden.
Nag-post din si Alden sa kaniyang Instagram account ng larawan nang yakapin niya si direk Cathy para magpasalamat.
"This is probably one of my highlights as an actor. I am grateful for the opportunity to work with and learn from you, Direk. For your words of wisdom and encouragement, Direk Cathy...thank you," saad niya sa caption.
Nagpasalamat din si Alden sa GMA Network sa oportunidad na magawa ang naturang pelikula.
Nang tanungin naman si Kathryn kung payag ba siyang gumawa naman ng project sa Kapuso network, tugon ng aktres, "Why not 'di ba? Basta daanin natin sa magandang usapan naman." -- FRJ, GMA News
