Inilahad ni Marian Rivera ang kaniyang paghanga kina Alden Richards at Kathryn Bernardo na hindi pa rin nakalilimot sa kanilang pinanggalingan sa kabila ng tagumpay nila sa buhay.

"Alam mo, dapat ang tao, kapag ang isang tao ay nagiging successful at nasa taas, dapat gawin mong inspirasyon 'yon para ikaw din sa sarili mo, mangarap ka nang ganu'n," saad ni Marian nang makapanayam ng showbiz press sa "Tadhana" media conference nitong Huwebes sa GMA Network.

 

 

"Kaya kung ano 'yung narating ni Alden at saka ni Kath, sobrang happy ako para sa kanila kasi napakabait nu'ng dalawa sa akin."

Na-appreciate raw ni Marian na hindi pa rin siya nakalimutan nina Alden at Kathryn sa kaniyang birthday.

“And si Kathryn, napaka-sweet din. Parang kahit nasa taas na siya, nu'ng birthday ko, grineet (greet) pa niya ako. Si Alden din naman, 'di nakalimot, nagpadala din ng flowers nu'ng birthday ko," kuwento ng Kapuso Primetime Queen.

Kaya naman hiniling ni Marian na magpatuloy pa ang tagumpay nina Alden at Kathryn sa kanilang mga career.

"So, nakakatuwa 'yung mga ganu'ng tao... na sana eh, alam mo 'yun, magtuloy-tuloy talaga 'yung success nila sa buhay.”

Naging highest grossing Philippine movie of all time ang pelikulang "Hello Love Goodbye" nina Alden at Kath, na nakakuha ng worldwide gross na P880,603,490.

Matatandaang si Marian ang pumili kay Alden na maging leading man niya sa Kapuso series na "Carmela" noong 2014.

Si Kathryn naman ang gumanap bilang ang batang si Jenny sa Philippine adaptation ng Korean drama series na "Endless Love" noong 2010. Si Marian ang gumanap ng dalaga nang si Jenny.--FRJ, GMA News