Marami ngayon ang humahanga sa husay ni Kokey na bagamat visually-impaired, ay isa magaling na freestyle rapper. Ngunit sa likod nito ay ang pag-aalaga at suporta sa kaniya ng kaniyang lola na si Emelita, na tumayo na rin bilang kaniyang ina.
Sa "Sarap 'Di Ba?" ikinuwento ni Kokey o Jericho Fernando Corpus ang tiyaga ni Lola Emy, na inaalagaan siya mula pa noong sanggol siya, at kahit may sakit o problema siya.
"Pinagdarasal ko po sa itaas na sana makasama ko pa siya nang matagal. Sana kahit ilang taon nang sumikat, ilang taon na akong maging rapper, siya pa rin 'yung kasama ko," saad ni Kokey.
"Mahal na mahal ko po si lola kasi siya 'yung naggagabay sa akin. Mahal na mahal ko po si lola kasi siya po 'yung nag-aalaga sa akin mula noong maliit ako hanggang sa magbinata. Mahal na mahal ko din po si lola kasi kapag nahihirapan ako nandiyan po si lola," dagdag ng rapper.
Ikinuwento naman ni Lola Emelita kung paano niya kinaya ang pag-aalaga kay Kokey.
"Mahirap mag-alaga ng [visually-impaired] kasi lahat dinudulot mo sa kaniya... Sabi ko, kung paminsan tinititigan ko nga, umiiyak ako, kung puwede ko lang i-donate 'yung isang mata ko, ido-donate ko sa kaniya," naluluhang sabi ni Lola Emy.
Panoorin ang madamdaming rap ni Kokey para sa kaniyang Lola Emy.
— Jamil Santos/DVM, GMA News
