Kasabay ng pag-amin na nagdi-date sila, inihayag din ni Derek Ramsay na mas malalim na ang ugnayan nila ni Andrea Torres matapos na magkasama sa Kapuso primetime series na "The Better Woman."

"We're more than friends,” saad ni Derek sa showbiz press pero ayaw nilang lagyan ng label ang kanilang relasyon.

Pero ang sigurado nila, kapwa sila masaya kapag magkasama.

"We're happy together, that's already on the table," patuloy ng aktor. "We both enjoy being with each other, whether it's at work."

Si Andrea, aminadong hindi niya kayang itago ang kakaibang level ng kasiyahan na nararamdaman niya ngayon.

"Sobrang saya, marami naman nakakapansin," saad ng aktres.

"Ngayon lang din ako naging vocal, ngayon lang din ako nagpo-post na hindi family, hindi work or sarili ko kaya siguro halatang halatang halata, but then ganong nga kasi di ba minsan pagka masyadong kang happy hindi mo ma-keep sa feeling mo," patuloy ni Andrea.

Sabi naman ni Derek, mas malalim na ang ugnayan nila ni Andrea.

"It's not just we're both physically attracted," ayon kay Derek. "In the sense na she has met my parents, I've met her parents, our parents have met.”

Sa nakaraang panayam kay Derek, inihayag niya ang labis na paghanga kay Andrea na inilarawan niyang "walang arte" sa katawan.

Sinabi pa ni Derek na nakita niyang nagustuhan ng kaniyang ina si Andrea nang ipakilala niya ito. Samantalang si Andrea, sinabing naging ka-text mate agad ng kaniyang ina ang aktor.--FRJ, GMA News