Kasabay ng pagpapakita ng pinabongga at mas pina-high tech na ang set ng ng "Wowowin," inilunsad din ng host ng programa na si Willie Revillame ang kaniyang mga bagong awitin.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinanta ni Willie ang ilan sa mga bago niyang awiting inindakan ng buong studio audience.

Halos isang buwan ang ginawang renovation sa studio na mismong pinangasiwaan ni Willie para mas maraming tao ang makapanood at mas maging komportable.

Maging ang mga co-host ni Willie, namangha sa ang mga kagamitan na state of the art kabilang na ang robotic cameras, mas modernong mga ilaw at bagong led walls and floors.

Bukod sa mga co-host na si Almira Teng, Elaine Timbol, "Hipon Girl" Herlene, at Donita Nose, nadagdag sa kanilang grupo ang nagbabalik na si Sugar Mercado.
Todo rin sa kaniyang performance ng kaniyang single na "Talikogenic daw Ako" si Herlene na hindi pa rin daw makapaniwala na bahagi na siya ng "Wowowin."

"Hindi ko pa rin po ma-sync...ma-sync sa utak ko po na nandito ako na ano, na meron na akong sariling kanta, na bahagi na ako ng show. Sobrang thankful po ako kay God," saad niya.

Kasabay ng pagbabagong bihis ng "Wowowin,"  ang nakaugaliang pagbibigay saya at pamimigay ng papremyo ni Willie na maaga raw niyang pamasko para sa lahat ng mga tumatangkilik sa programa. --FRJ, GMA News