Nauwi sa trahediya ang masaya sanang paliligo ng limang magkakaibigan sa Moroboro Dam sa Dingle, Iloilo nang malunod ang tatlo sa kanila. Nangyari ito nang madulas ang isa sa malalim na bahagi ng dam at tinangka siyang saklolohan ng mga kaibigan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, ikinuwento ng isang nakaligtas na tumalon siya at tatlo pa niyang kaibigan sa kagustuhan nilang iligtas ang nadulas nilang kasama.
Malakas umano ang agos ng tubig at dalawa na lang silang nakaligtas.
Dalawang katawan ng biktima ang nakuha nang araw din iyon, kasama na ang bangkay ng nadulas na binatilyo.
Kinabukasan naman sa bisperas ng bagong taon nakuha ang katawan ng isa pang biktima.—FRJ GMA Integrated News
