Makikilala na si "Allan Peter Kuya Thanos," na gagampanan ni comedy genius Michael V. para sa "Bubble Gang."
Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing ito ang peg ni Bitoy, na hinango sa sikat na kontrabida ng Marvel Comics na si "Thanos."
Inilahad ni Bitoy sa kaniyang caption ng larawan na ang kaniyang costume ala-Thanos ay para sa pagdiriwang ng ika-24 anibersaryo ng "Bubble Gang."
Inanunsyo pa ni Bitoy na magiging extra special ang naturang anibersaryo ng longest-running gag show dahil itatampok din ang sidekick na Pinoy ni "Spider-Man" na si Jacob Batalon.
Ngunit sa halip na gaganap bilang si Ned Leeds na best friend ni Peter Parker, gaganap si Jacob bilang si "Need."
"I think I know why Marvel hired Jacob Batalon to play Ned Leeds in Spider-Man. The character requires a “nice guy” which is what Jacob is on and off cam," komento ni Bitoy nang makasalamuha si Jacob.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
