Todo-paghahanda na ang mga newly-crowned Miss World Philippines Queen dahil ilang buwan na lang ay sasabak na sila sa kani-kanilang international pageant.  Ang beauty queen mom na si Melanie Marquez, todo-alalay daw sa anak na si Michelle Dee, na pambato ng Pilipinas sa Miss World pageant.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing humihingi si Michelle ng pointers sa kaniyang ina na si Melanie, na kinoronahang Miss International noong 1979.

Kuwento ni Michelle tungkol sa sinasabi ng ina, "Anak I saw this online I think you have to do this and sa lahat ng planning involved from gown and national costume, gusto niya kasama rin siya."

Dagdag ni Michelle,  hindi siya nagpapaapekto at ginagamit niyang motivation pa ang pagkumpara ng mga tao sa kaniya at sa kaniyang mommy Melanie.

Kaya naman daw nang sumali siya sa kompetisyon, hindi lang siya physically ready, kung hindi maging mentally.

Samantala, dahil sa Nobyembre na ang kompetisyon ng Reina Hispano Americana na gagawin sa Bolivia, sinabi ng pambato natin na si Katrina Llegado, na nag-aaral na rin siya kahit basic Spanish.

Sina Kelley Day at Isabelle de Leon, kahit pag-aartista ang background ay mas nacha-challenge daw sa kanilang panibagong role bilang mga beauty queen.

Si Kelley ang itinanghal na Miss Eco International Philippines, habang Miss Multinational Philippines naman si Isabel.

"I love trying new things. It feels normal in a sense na sanay na ako sa uncomfortable or nerve-wracking situations at isa na ito. So I wish to give my all too," sabi ni Kelley.

Sinabi naman ni Isabelle na mahirap din ang pagsabak sa pageant na kakaiba sa linya ng kaniyang trabaho pero nag-e-enjoy din naman siya.

Para naman kay Miss Philippines Tourism Glyssa Perez, maliban sa pagtulong na i-promote ang turismo ng bansa, nais din niyang tutukan ang sariling adbokasiya -
ang breast cancer awareness.

"I wanna share early detection is the best option, you can find better options and treatments for breast care health," sabi ni Glyssa.--FRJ, GMA News