Natupad na ang munting hiling ni Father Joseph Panaligan ng Urbiztondo, Pangasinan na makaharap ang kaniyang  ka-lookalike na si Alden Richards. Sa kanilang pagkikita, may espesyal siyang regalo na ibinigay na ikinamangha ng aktor.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing unang napansin ng netizen ang malaking pagkakahawig ni Fr. Panaligan kay Alden nang mag-viral ang larawan nito habang nagbibinyag noong nakaraang taon.

Pero bukod sa kanilang pagkakahawig, napag-alaman na ang lugar pala ni Fr. Panaligan ang isa sa mga napagkalooban ng Aldub Library, na naging proyekto noon ng tambalan nila ni Maine Mendoza, kanilang fans at ng "Eat Bulaga."

Kaya naman daw inasam na ng pari na sana ay magkita sila ng kaniyang ka-lookalike para mapasalamatan at ma-invite sa future activities ng kanilang parokya na magdadaos ng 10th anniversary sa susunod na taon.

Kaya naman nang mabigyan ng pagkakataon, dinalaw nina Fr. Panaligan at Fr. Rommel Rubia,  si Alden sa taping; at bitbit nila ang kanilang espesyal na regalo sa aktor na isang Sto. Niño.

Namangha si Alden nang malaman kung gaano na katagal ang naturang Sto. Niño.

"Mga hundred years na rin 'yan. Matagal-tagal na," sabi ni Fr. Panaligan kaya nagulat si Alden.

"Gawa sa ano 'yan [sa] Espanya, galing sa France, dinala sa Philippines, part of our collection. Then Father Joseph nagplano na to visit you and give you a gift, 'yan yung napag-isipan naming ibigay," saad naman ni Fr. Rubia.

Binigyan din nila ng history book ng Nuestra Señora Dela Salud si Alden.

Sabi ni Alden, "Nakakatuwa kasi yung value niya is more than anything else, it's priceless and binigay nila Father sakin to as a gift. Mas nakaka-motivate gumawa ng mabuti sa buhay."

Masayang-masaya naman ang pari sa pagkakataon na makausap ang kaniyang ka-lookalike.

"Overwhelming, masaya siyempre sa pagkakataon na makaharap, at maibigay ang regalo kay Alden," anang pari. "Sana maranasan niya 'yung tunay na kaligayahan na nagmumula sa tunay na regalo sa buong mundo, ang ating Panginoong Hesus."-- FRJ, GMA News