Malinaw pa rin sa alaala ng mga mahal sa buhay ng mga beteranong aktor na sina Amalia Fuentes at Tony Mabesa ang magagandang aral na iniwan nila habang nasa tugatog ng kanilang pagtatrabaho sa industriya.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, dumalo sa burol ni Ginoong Tony Mabesa ang ilang propesyonal na dati niyang naging estudyante sa teatro.
"My first play in UP, siya ang kauna-unahang pinagalitan ako on stage. Nag-aartista na ako noon. I did a play. Tapos 'yun, talagang pinagalitan ako. Talagang sinabi niya in front of everybody, 'You never, never laugh on stage!' Talagang dinibdib ko 'yun. I took it by heart. It's always the discipline when you work on stage, 'yung discipline nu'ng craft. Those are the things I learned from them," kuwento ng aktres na si Cherry Pie Picache.
"Pino-protect ka niya and he's always been like that sa aming lahat na mga anak niya sa theater. Siya talaga 'yung tatay namin," dagdag pa ni Harlene Bautista.
Ibinahagi rin daw ng yumaong aktor ang kaniyang talento at kaalaman sa pagdidirektor.
"I owe a lot to him because he was my first teacher sa directing and I couldn't forget 'yung sinabi niya na until now ginagawa ko, that half of the director's job is done when you cast good actors. I always treasure that," ayon kay Direk Andoy Ranay.
Pumanaw si Mabesa sa edad na 84-anyos noong Biyernes.
Sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City ang burol.
Sa Miyerkoles nakatakdang i-cremate ang kaniyang mga labi.
Amalia Fuentes
Samantala, nakiramay rin ang mga kaibigan at mga tagasuporta ni Amalia Fuentes sa kaniyang pamilya.
Nitong Linggo ng gabi, sa Mt. Carmel Church sa New Manila, Quezon City, nasa public viewing ng mga labi ng beteranang aktres ang kaniyang mga apong sina Alfonso at Alissa Martinez at ang manugang niyang si Albert Martinez.
Nasa burol rin ang kapatid ni Amalia na si Alexander Muhlach, ang ama ng aktor na si Niño.
Ang mga kasamahan niya noon sa Sampaguita Pictures na sina Susan Roces at Divina Valencia, dumalaw rin.
Ilan pa sa mga dumalo sina Gina De Venecia at Jamie Rivera.
Pumanaw sa edad na 79 si Amalia, ilang taon matapos ma-stroke.
Magpapatuloy ang public viewing ng mga labi ni Amalia nitong Lunes ng 1 p.m. hanggang 12 a.m. ng Martes.
Sa Martes, nakatakda siyang ilibing sa Loyola Memorial Park sa Marikina matapos ang Misa ng 8 a.m. sa Mt. Carmel Church. —Dona Magsino/KG, GMA News
