Inihayag ni Alden Richards ang plano niyang magdiwang ng Pasko sa South Korea. Kasabay nito, inamin din ng Kapuso actor na na-hook siya sa isang miyembro ng K-pop group na Blackpink.
Matatandaan na nagtungo sa Korea si Alden nitong nakaraang Agosto kung saan tumanggap siya pagkilala sa ginanap na Seoul International Drama Awards.
Ang Asian Star Prize ay isang non-competitive award na pagkilala sa mga Asian drama actors na napamahal sa mga Korean audience.
READ: Alden Richards, tumanggap ng Asian Star Prize award sa Seoul International Drama Awards 2019
Ang Seoul International Drama Awards ay ginagawa taun-taon na layong mapag-isa ang lahat ng nasa industriya ng TV drama production at media at global audiences na kinahihiligan ang television dramas.
Si Alden na ang ikatlong Kapuso actor na nakatanggap ng naturang award. Una rito si Dennis Trillo noong 2016, at si Gabby Concepcion nitong 2017.
Bagaman maigsi lang ang panahon na inilagi ni Alden sa naturang bansa, inihayag ng aktor na naging memorable ang kaniyang pagpunta sa Korea.
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Alden na, "It was a short but memorable trip to Korea. Maraming salamat!"
"I will be back very soon...Saranghaeyo," dagdag pa niya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Alden na plano niyang sa Korea magpasko.
"Sabi ko na parang wow, ang sarap naman dito. Pagkauwi namin, kinausap ko yung family ko sabi ko, 'We'll be spending Christmas there this year," saad niya.
Mas interested na raw sa Korea si Alden ngayon at katunayan, hinahangaan niya si Lisa, na ang miyembro ng K-pop na Blackpink.
Nang mapanood daw niya ang isang video nito.
Kuwento ni Alden, "Wow ang galing, wow ang cute, ang ganda niya. Hanggang sa ayon, na-hook na ako kay Lisa." -- FRJ, GMA News
