Kahit biktima ng krimen ang kaniyang 75-anyos na ina noong 2014, nananatiling hindi pabor ang aktres na si Cherry Pie Picache na ibalik ang parusang kamatayan sa mga kriminal.

"I see no point for death penalty to be revived. Now more than ever, I would really like to advocate for restorative justice," sabi ni Picache sa ginanap na 17th World Day Against the Death Penalty nitong Huwebes sa Pasig City.

Ayon sa aktres, nalampasan na niya ang bahagi ng pagpapatawad at nakita niya na marami pa ang kailangang gawin matapos niyang makaharap ang taong pumaslang sa kaniyang ina.

Setyembre 2014 nang pagnakawan at patayin sa saksak ang ina ni Cherry Pie na si Zenaida Sison sa bahay nito sa Quezon City.

Naaresto at nahatulan ng korte na guilty sa kasong robbery with homicide ang akusadong si Michael Flores.

"Of course it’s very difficult for us the victims but I think towards our offender, I realized that it’s more difficult for him," ayon sa aktres.

"I realized he was having a difficult time coping, realizing the crime or the evil that he has done towards us and accepting that he has done it, na wala na 'yung drugs, he’s back in his senses," kuwento pa niya nang makausap niya si Flores.

Ilang beses nang ibinalik at inalis ang parusang kamatayan.

Umiral ito sa panahon ng termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, at ibinasura noong 1986 nang manungkulan si dating Pangulong Cory Aquino. Ibinalik ang parusang kamatayan noong 1993 pero hindi lubos na naipatupad hanggang noong termino ni dating Pangulong Joseph Estrada. 

Muling ibinasura ang naturang batas noong 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Pero nabuhay muli ang panawagan na ibalik ang parusang kamatayan ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. --FRJ, GMA News