Naghahanap na si Kuya Willie Revillame ng posibleng kaniyang magiging partner panghabambuhay.

Sa programang "Wowowin," sinabi ni Kuya Wil na kaarawan na niya ulit sa Enero, pero lagi na siyang nalulungkot at nag-iisang kumakain.

"Alam niyo sa January, magpi-59 na ako. Matanda na ako, lagi lang akong nag-iisa 'pag umuuwi. Kumakain mag-isa, breakfast, tanghali, dinner, naliligo mag-isa. Lagi lang mag-isa. Pagod na after nitong show, ako lang mag-isa," saad ng Wowowin host.

"Mahirap na lagi ka lang mag-isa sa buhay," dagdag niya.

"So ngayon ho, meron kaming bago ditong pakulo. Naghahanap na po ako ng makakasama ko sa buhay."

Kaya inanunsyo ni Kuya Wil ang bago nilang segment na "Wil you date me?" para sa mga babaeng 18 hanggang 40 ang edad, wala pang anak o hindi pa nag-aasawa.

"Mag-o-audition kayo, at 'pag pumasa kayo sa audition, susunduin kita sa iyong tahanan. Kahit taga-Cebu ka, kahit taga-Davao ka, kahit taga-saan ka, pauuwiin kita rito, susunduin kita sa airport," ani Kuya Wil.

"Kahit taga-ibang bansa, basta gusto mong maka-date ako, kasi ang tanong dito, 'Wil you date me?'"

Alok pa ni Kuya Wil, "Ako ang susundo sa'yo, kakain tayong dalawa, magkukuwentuhan tayo sa buhay-buhay. Malay mo, ikaw na ang makasama ko habambuhay?"

Panoorin ang video para malaman ang mechanics sa pagsali.

—Jamil Santos/MDM, GMA News