Kilala bilang trending at kontrobersyal na paranormal expert, minsan na ring naging sumpa kay Ed Caluag ang natanggap niyang abilidad na makita ang mga kababalaghan at hindi pangkaraniwan. Ito ay nang magkatotoo ang panaginip niya sa pagkamatay ng ama, ngunit wala siyang nagawa.

Sa programang "Tunay Na Buhay,” muling binalikan ang kuwento ni Ed, na mas nakilala pa dahil sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Ipinasilip ni Ed ang bahay ng isa sa mga "20 Women of Malolos" sa Bulacan, kung saan dito niya hinasa ang kaniyang psychic ability dahil marami aniyang "memories" ang mga kagamitan.

Pitong taong gulang daw si Ed nang siya'y maging sakitin. Ang nakuha niyang mataas na lagnat, nagtuloy-tuloy hanggang sa mayroon na pala itong sintomas ng polio, kaya hindi siya nakalakad ng halos dalawang taon.

Nilabanan ni Ed ang kaniyang kondisyon sa hangad na makapag-aral, hanggang sa makatayo siya sa kaniyang sariling paa. Kasabay nito, nagsimula na rin siyang makakita ng mga espiritu.

Ngunit dumating ang pagkakataong hindi niya natanggap ang kaniyang "gift," lalo na nang mapanaginipan ang kamatayan ng kaniyang ama.

"Kung paano mamamatay ang tatay ko, nakita ko, na macho-choke siya, masasamid siya. Nakita ko po 'yun lahat eh. Namatay po 'yung father ko noong 1996 pero napapanaginipan ko na siya from 1994. Nakita ko po 'yung future event na mangyayari. So ang naging fear ko, bakit hindi ko napigilan?"

Dahil hindi niya napigilan ang pagpanaw ng ama, dito nagsimula si Ed na hasain at aralin pa ang kaniyang abilidad.

"Kung ano ako before ganoon pa rin naman ako ngayon eh, naiba lang nang may mga nakakakilala na sa akin," sabi ni Ed ngayong kilala na siya ng mas maraming tao.

"Giving up is not an option dito sa giyera na kung tawagin natin ay buhay. 'Yung pagsuko, hindi kasama sa pagpipilian," ang aral ng tunay na buhay ni Ed. —Jamil Santos/LDF, GMA News