Balik-tambalan ang 80's love team nina Manilyn Reynes at Janno Gibbs para sa pelikulang "Mang Jose." Ayon kay Janno, nagkaroon na sila ng closure ni Manilyn pero si Mane, sinabing hindi pa nagso-sorry si Janno.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing huling nagkatrabaho sina Mane at Janno nang mag-guest si Janno sa rom-com na "Meant To Be."

"It's always nice working with Manilyn. Siya ang favorite kong ka-partner talaga on screen," sabi ni Janno.

"Lagi namang masaya 'pag kasama si Janno dito eh, lagi namang masarap siyang katrabaho except kapag... O! Eto na nga eh, hindi ko na sasabihin? Except... hindi, maayos siya! Hahahaha!" para naman kay Mane.

Napa-flashback pa sina Manilyn at Janno bilang magka-love team noong 1980s sa muli nilang pagkikita.

"May closure na kami. I think ang walang closure sila ni Ogie," paghahayag ni Janno.

Sagot naman ni Mane, "Ano 'to? Bye everyone!"

"Pero kami we've ironed things out, nakapag-sorry na ako sa kaniya," pagpapatuloy ni Janno.

"Oy hindi pa!" sagot ulit ni Mane.

Kasama nina Mane at Janno sa pelikula si Mikoy Morales na napanonood din sa "The Gift."

Hindi napigilan ni Mikoy na ma-pressure sa mga kasama niyang big stars.

"Du'n sa fact na comedy 'to tapos kasama ko si ate Mane tsaka si Pedro Penduko so nandu'n kaagad 'yung utak ko na it's from a generation-defining into something like this," sabi ni Mikoy. — Jamil Santos/MDM, GMA News