Marami ang nagulat sa "The Clash 2" finalist na si Jeniffer Maravilla nang sumablay ang kaniyang pa-"whistle" sa huling bahagi ng kaniyang awit. Sa panayam ng GMA News "24 Oras," nagpaliwanag siya sa nangyari at sinubukan niya muling mag-"whistle."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas nitong Lunes, ipinakita ang viral performance ni Jeniffer kung saan marami ang nag-face palm nang sumablay siya sa huling bahagi ng kaniyang piyesa.
Ang netizens, magkakaiba ang naging reaksyon. May mga naawa, may humanga pa rin dahil tinapos niya ang performance, at may ilang ginawa itong katatawanan.
Kaagad nag-post si Jeniffer ng paumanhin sa social media, at inamin niya na kasama iyon sa "risk" na kailangan niyang harapin bilang isang belter na mang-aawit.
Pinaghandaan naman daw niya ang naturang piyesa. Katunayan, sa video nang rehearsal, makikitang maayos niyang naitawid ang awitin.
Pero sadya raw iba ang lumabas sa kaniyang pagkanta sa oras nang kaniyang performance sa "The Clash."
"Siyempre po, ako rin parang deep inside shookt din ako. Kaya lang tama po kasi yung sinasabi na performer po tayo the show must go on. Kahit ako naloloka sa nagawa ko at the moment, [pero] hindi, kailangan ko siyang tapusin," paliwanag niya.
Sabi pa ni Jeniffer, maraming dahilan kung bakit hindi naabot ng isang singer ang whistle note. Kasama na rito ang kondisyon ng katawan at environment habang kumakanta.
"Kasi crucial po talaga ang placement ng whistle register and siyempre belter po talaga ako it's not a thing po na lagi kong ginagawa," paliwanag niya.
Sa panayam, muling sinubukan ni Jeniffer na mag-whistle pero hirap siya dahil daw marahil sa lamig.
Nagpapasalamat naman si Jennifer sa "The Clash" judges na sina AiAi delas Alas, Lani Misalucha at Christian Bautista dahil minabuti raw ng mga ito na mas makita ang kaniyang effort kaysa sa naging sablay niya.
"Maraming maraming salamat po na kahit nagkaroon po ako ng missed step po dun ako sa aking performance eh mas pinansin nila yung effort namin bilang singer at bilang performer and pati yung arrangement po ng songs," saad niya.--FRJ, GMA News
