Ibinahagi ni AiAi delas Alas na tradisyonal na Pinoy siya bilang isang magulang pagdating sa pagdisiplina ng kaniyang mga anak, na namamalo gamit ang sinturon o tsinelas.
Sa programang "Mars Pa More," inalala ng anak ni AiAi na si Sophia ang ginawang pagdisiplina sa kaniya ng ina noong 16-anyos siya.
"Nagdabog ako, I think that was Christmas," sabi ni Sophia.
"Kasi magdi-dinner na dapat kami tapos ayaw niya bumaba, eh gutom na gutom kaming lahat. So nagdabog talaga ako, umakyat ako ng kuwarto ko then I slammed my door," pagpapatuloy ni Sophia.
"Tapos naririnig ko 'yung footsteps! Sabi ko 'Oh my gosh ito na.' Tapos nasa kama lang ako tapos 'yun... Sinampal niya ako," natatawang kuwento ni Sophia.
"Eh 'di siyempre sinabunutan ko siya, sinampal sampal ko siya," natatawa ring sagot ni AiAi nang tanungin kung paano niya dinisiplina si Sophia.
Bumawi naman agad si AiAi matapos niyang masaktan si Sophia.
"Pero the next day may phone ako. 'Yun 'yung sorry niya sa akin. Sabi niya 'Sorry anak,'" kuwento ni Sophia.
'Yun na raw ang una at huling beses ni Sophia na nagdabog siya kay AiAi.
Paniwala aniya ni AiAi, "Nanay mo ako, wala kang karapatang gumaniyan,' kahit gutom siya," natatawa niyang sabi. —Jamil Santos/LBG, GMA News
