Isang karangalan para kina Barbie Forteza at Kate Valdez ang bumida sa TV adaptation ng 80s film na "Anak ni Waray vs. Anak ni Biday," na tinampukan noon nina Snooky Serna at Maricel Soriano.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas para sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nag-click agad sina Barbie at Kate sa tunay na buhay kahit mortal man silang magkaaway sa series.
Tiyak na mapupuno ng tawanan ang Primetime, na break muna sa heavy drama at acting, sa pagsisimula ng taping nina Barbie at Kate para sa bagong comedy series.
Si Barbie ang gaganap na Bisayang dalaga na palaban samantalang si Kate ang matapang na Ilocanang dilag. Ang dalawa na ang next generation ng dalawang mortal na magkaaway.
"Nakakatuwa kasi nag-click rin naman kami agad, walang hiyaan, talagang binigay rin namin lahat workshop pa lang," sabi ni Barbie.
"Bonding namin, kain, kuwentuhan, tsikahan. Tsika dito, about sa mga insipirasyon, goals, lalo ngayon dito sa industry. Actually she offered me po na mag-mentor siya sa akin kaya 'Aahh!'" ayon naman kay Kate.
Pinagmulan ng inspirasyon ng TV adaptation ang pelikula noong 1984 na pinagbidahan ng original Regal babies na sina Maricel at Snooky.
Gumanap noon bilang inang Waray ang yumaong si Nida Blanca, at si Mommy Biday naman ang beteranang aktres na si Gloria Romero.
Lumikha ng ingay noong 1954 ang mga pelikula nina Gloria at Nida na "Waray Waray" at "Dalagang Ilokana."
Makakasama nina Barbie at Kate sa series si Snooky na puno ng mga kuwento tungkol sa 80s films.
"Nakakatuwa kasi ikinukuwento niya sa amin ni Kate 'yung experience niya before since siya ang anak ni Biday before kaya nakaka-starstruck kasi si Ms. Snooky ang gumanap noon tapos ngayon katrabaho na namin siya," ani Barbie.
"Sobrang saya po and kilig kasi noong storycon pa lang like ate Barbie said, kinukuwento na niya, binibigyan na niya kami ng insight kung ano talaga 'yung before na nangyari tapos ngayon siya naman ang kabaligtaran. Siya naman si Waray," sabi ni Kate. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
