Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang rider matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang kongkretong poste sa Sta. Maria, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Suso nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon sa awtoridad, posibleng nawalan ng kontrol ang 25-anyos na rider sa minamaneho niyang motorsiklo kaya ito bumangga sa poste.
Sa lakas ng pagbangga, tumilapon pa ang biktima ng ilang metro matapos na tumama sa gate ng barangay plaza.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News
