Masayang binalikan ni Chariz Solomon ang pagsabak niya noon sa StarStruck Season 4, na naging daan para makapasok siya sa showbiz. Ayon kay Chariz, na-package pa siya noon bilang isang sexy star bago siya nalinya sa comedy. Alamin kung paano nangyari.

Sa kaniyang panayam sa “I-Listen with Kara David,” binalikan ni Chariz ang kaniyang pagsali sa StarStruck season 4 noong 2006.

Ayon sa aktres, ayaw niya talagang sumali noon sa naturang reality show dahil ayaw niyang mapahiya sa kaniyang mga kaibigan. Ngunit napasabak din siya dahil sa panghihikayat ng talent manager na si John Fontanilla.

“Ayoko talaga. Kasi ayoko 'yung mapapahiya ako, matatanggal ako, tapos mapapanood ng mga kaklase ko, 'yung mga kaibigan ko,” sabi ni Chariz.

Tila umayon ang kapalaran kay Chariz, dahil kahit na pumasok siya sa huling araw na ng audition sa GMA, natanggap siya.

“Wala akong material, so kumanta lang ako acapella, nagsayaw ako kahit anong tugtog [ipasayaw] nila. Natanggap ako,” kuwento niya.

Matatandaang ilan sa ka-batch ni Chariz sina Aljur Abrenica, Kris Bernal, Mart Escudero at Jewel Mische.

Ipinagpasalamat ni Chariz ang pagsuporta sa kaniya noon ng dati niyang nobyo, na binilihan siya ng mga damit at hinahatid at sinusundo.

Isang araw, nangailangan noon ng puting t-shirt, at doon napansin ang kaseksihan ni Chariz.

“‘Yung t-shirt, kailangan naka white t-shirt. Wala akong white t-shirt. ‘Yung kapatid ko na half-Japanese, anak ng nanay ko sa Hapon, may t-shirt siya na puti. Maliit pa siya nu’n. Nagkasiya sa akin, so bitin. Eh, uso nu’n mga low waist, Christina Aguilera, Britney Spears. ‘Day napansin ako. No makeup. ‘Yun,” patuloy niya.

“Kaya pinackage (package) tuloy ako as sexy star. Malaking pagkakamali,” natatawang sabi ni Chariz. “Hindi ko kaya ‘yung mga ganiyan-ganiyan (pagpapa-sexy), nilalagnat ako.”

Pero nagbago ang karera ni Chariz at napunta na sa pagiging komedyante nang pinag-guest siya ng direktor na si Rommel Gacho sa segment ng Kapuso talk show na “Startalk.”

“May segment doon, ‘yung ‘Da Who?’ Meron ding ‘Star Talk Struck Attack,’ parang mga mabilisan na tsismis. Comedy kasi ‘yun. So, parang mag-model ka na fierce. Pagdating mo doon sa camera, magwa-wacky ka. May bali,” kuwento pa niya.

Kalaunan, napansin ng direktor ang potensyal ni Chariz sa pagpapatawa.

“‘Nakakatawa siya. Hindi pala siya sexy star,’” kuwento niya na sabi sa kaniya ng direktor.

Kalaunan, ipinasok na si Chariz ang longest-running gag show na “Bubble Gang.” And the rest is history ika nga. – FRJ GMA Integrated News