Tila excited na ang mga tao na mapanood sa GMA-7 ang pagbabalik ng sikat na Japanese anime series na “Voltes V.”
Ang teaser video kasi ng mas pinaastig na live action remake ng 'Voltes V,' umabot na sa 1.3 million ang views sa Facebook. Bukod dito, mayroon din itong mahigit 51,000 reacts, 7,500 comments at 39,000 shares.
Mahigit 163,000 naman ang views ng teaser sa Youtube channel ng GMANetwork, at mayroong mahigit 1,200 comments.
Karamihan sa mga nagkomento ay nagpahayag ng kasabikan na mapanood na ang series na ang ilan ay naging bahagi raw ng kanilang kabataan.
Bukod kay Voltes V, ipinasilip din ang Camp Big Falcon Base at ang leader ng mga kalaban na si Prince Zardoz.
Marami rin ang pumuri sa magandang teaser at namangha sila sa quality ng special effects. Umaasa sila na magiging maganda ang kabuuan ng naturang palabas na mapapanood sa GMA 7.-- FRJ, GMA News
