Ngayong magiging mommy na, ibinahagi ni Max Collins ang kaniyang pregnancy journey.  Ang mister naman niyang si Pancho Magno, naging mas lalo raw maalaga at protective sa misis.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nalaman nina Max at Pancho na buntis ang aktres nito lang bago mag-New Year.

Sa susunod na taon pa raw sana nilang plano na magkaanak, pero ibang klaseng kaligayahan raw ang inihatid sa kanila ng pagbubuntis ni Max.

"Umiyak ako, tapos tumatawa siya," kuwento ni Max.

"Sobrang happy ako, it's a blessing eh. Sobrang blessed tayo to having our own baby, our own child," saad naman ng aktor.

Nang tanungin si Max tungkol sa nararanasan niya sa kaniyang pagbubuntis, tugon niya, "Nu'ng first two months, as in suka ako nang suka, 'yun lang. At antukin ako."

Idinagdag pa niya na naghahanap din siya ng maasim at naging matakaw kung minsan.

Sabi naman ni Pancho, "Iba-iba eh. And then minsan like 'yung normally hindi niya kinakain like mga sandwiches and wraps."

"Mga bread, ganiyan," dagdag ni Max.

Tinawag nina Max at Pancho na, ''Our pregnancy" ang pagbubuntis ni Max dahil magkasama aniya sila sa bagong journey ng kanilang buhay bilang mag-asawa.

Dahil dito, naging lalo raw maalaga pa si Pancho kay Max.

"Lagi ko namang sinasabi sa kaniya na, 'Hindi lang naman ikaw 'yung pregnant eh. As much as possible tayong dalawa eh.' Oo, we are pregnant," sabi ni Pancho.

"He is praning though. Kasi ano siya, very, like if I say I wanna go to Baguio or something, sasabihin niya, 'Ano? Buntis ka!' like 'Hindi ka puwedeng mag-travel,'" sabi ni Max.

Wala pang detalye sa kasarian ng baby nina Pancho at Max pero ngayon pa lang, may listahan na sila ng mga pangalan ng babae at lalaki.

Tatlong buwan na ang ipinagbubuntis si Max pero nagtatrabaho pa rin siya para sa "Anak ni Waray vs. Anak ni Biday."

"Hangga't kaya, hangga't kaya. 'Pag hindi na kaya, hindi ko na ipu-push," sabi ni Max.

"Hangga't hindi nagko-contract," biro naman ni Pancho.

"Basta wag lang masyadong mabigat," sabi ni Max. --Jamil Santos/FRJ, GMA News