Natatawang ikinuwento ni Barbie Forteza ang pagkagulat niya sa naging tugon ng nobyo niyang si Jak Roberto nang magpaalam siya na makakatrabaho niya si Dennis Trillo na matagal na niyang crush.

Sina Dennis at Barbie ang bida ngayon sa  Kapuso weekly fantasy anthology  show na "Daig Kayo Ng Lola Ko."


"Sobrang nakaka-starstruck, nakaka-overwhelm and nakaka-pressure na, 'O kailangan hindi ka magkamali Barbie Forteza. Matagal mong hinintay 'to," natatawang kuwento ni Barbie sa showbiz press habang sinasabihan daw niya ang sarili.

Nagulat pa si Barbie nang mag-topless si Dennis sa eksena kung saan gumaganap na werewolf ang aktor.

"'Yung location namin ang lamig lamig pero butil-butil 'yung pawis ko," patuloy na kuwento ng natatawang si Barbie.

Hanga raw si Barbie sa professionalism ni Dennis na hindi nahiyang mag-topless at sumusunod sa kung ano ang instructions ng direktor. Hinangaan din ni Barbie ang gestures ni Dennis para maging komportable siya sa set.

Nahirapan daw si Barbie na ipaalam sa nobyo niyang si Jak na makakatrabaho niya Dennis dahil vocal ang aktres sa pag-amin na crush niya ang Kapuso leading man.

"Dinahan-dahan ko pa, sabi ko 'Mahal 'wag kang magagalit ha.' Ganon! Sabi ko 'Meron kasi kaming 'Daig' ni Dennis.

Pero ang naging malumanay na reaksyon daw ni Jak,  'Oh, eh ano naman?'"

Natatawang sabi pa ni Barbie, "'Yun na 'yon? Hindi ka man lang nagselos?' Parang na-offend naman ako, 'Kinabahan pa ako kung paano ko sasabihin sa 'yo, wala lang pala."

Kaya naman labis na humanga si Barbie sa kaniyang nobyong si Jak dahil sa pagiging maunawain nito pagdating sa kaniyang trabaho. Panoorin ang naturang panayam.

--FRJ, GMA News