Inihayag ni Willie Revillame na sa halip na birthday celebration niya, live na mapapanood sa susunod na Lunes, Enero 27, ang "Wowowin" para sa gagawing pagtulong sa mga nasalanta ng Taal Volcano.

"Dapat birthday ko 'yon celebration magbibigay akong dalawang house and lot sa loob ng studio, outside ng studio which ginamit namin ang YouTube para mag-greetings, kung sino 'yong babati tatawagan ko para mabigyan ko ng house and lot," kuwento ni Kuya Wil tungkol sana sa plano.

"Pero nung paggising ko nung nakikita ko na sa news sa '24 Oras,' bakit ako magse-celebrate na maraming akong kababayan na naghihirap," patuloy niya nang makapanayam sa contract signing niya sa GMA Network nitong Lunes.

Ayon sa host, sa halip na pre-taped, live na mapapanood sa susunod na Lunes ang Wowowin kung saan gagawa sila ng paraan para makabigay ng tulong sa mga nasalanta ng Taal eruption.

Nakipag-usap na raw siya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Batangas, Cavite at Tagaytay, kasama na sina Congresswoman Vilma Santos, Congressman Bambol Tolentino at Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino, para humingi ng suporta.

"Sabi ko may bibigay kaming tulong sa ating kababayan at siyempre kasama rin dito ang GMA Foundation," ayon pa kay Willie.

Binigyan-diin ni Kuya Wil na dapat magtulungan ang lahat sa panahon ng kalamidad.

"Alam mo ang buhay natin ay may kalamidad eh, may bagyo, may lindol may ganito, ang importante marunong kang tumayo, ang importante magtulong tulong tayo. 'Eto 'yong right time na magtulong tulong kasi marami tayong kababayan na hirap," pahayag niya.

Kabilang umano sa mapapanood sa Lunes sina Gerphil Flores, Marcelito Pomoy at Rachelle Ann Go. —FRJ, GMA News