Pinasalamatan ni Angel Guardian ang composer na si Nica del Rosario sa pag-compose ng bago niyang single na "No Sound," na napakikinggan ngayon sa mga music outlets.

Si Nica del Rosario rin ang nag-compose ng "Tala" ni Sarah Geronimo, na nag-hit kamakailan at nagkaroon pa ng dance challenge.

"Of course, Nica Del Rosario po, 'yung nag-compose din po ng Tala," sabi ni Angel sa kaniyang guesting sa Barangay LS 97.1 kamakailan.

"Kaya siya 'No Sound' kasi story ito ng dalawang magkarelasyon, then natapos siya. And 'yung girl nagmu-move on na siya sa guy... Gusto ko ito kasi nakaka-empower siya, lalo na sa mga babae na feeling nila hindi nila kayang mag-move on by themselves, kaya natin 'yan," pagkuwento ni Angel sa kaniyang single.

 

 

Naka-relate raw si Angel sa kanta lalo't nakaranas din siya ng break up at kailangan niyang mag-move on.

"Before kasi noong ni-record ko 'yan, nasa ganoon akong situation na kailangan ko ng magpapalakas ng loob ko, na mag-move on, parang wala na akong pake. So nu'ng ni-record ko ito, as in naramdaman ko talaga," anang Kapuso singer-actress.

Inilabas ang "No Sound" ni Angel sa ilalim ng GMA Music.

Inilahad ni Angel ang mga nadiskubre niyang improvements sa sarili, halos isang taon mula nang pumirma siya sa GMA Music.

"Of course sa confidence ko, tumaas kasi before wala nga akong [ano] sa sarili kong boses kasi nga wala naman akong proper voice lesson and kumakanta lang ako the way na alam ko kung paano. But after kong magkaroon ng single, though hindi man ganoon pa rin 'yung kumpiyansa ko sa sarili ko, kahit paano nag-increase, so happy ako about that," sabi ni Angel. — Jamil Santos/DVM, GMA News