Napuno ng iba't ibang produktong ibibigay sa mga nasalanta ng pagsabog ng bulkang Taal ang studio ng "Wowowin."  Ipinakita ito ni Willie Revillame sa kaniyang special birthday celebration episode ng programa kanina.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing malayo sa nakasanayan na masayang opening number ang live episode ng "Wowowin" kanina.

Ipinakita ni Kuya Wil ang buong studio na puno nang donasyon mula sa "Wowowin," mga sponsor at mga nagmalasakit, na ipadadala sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkan sa Batangas.

Ipinakita rin ang ilang Kapuso celebrities na tumulong sa pagsasaayos ng mga donasyon.  Nagkaroon din ng telethon para tumanggap ng mga donasyon pa.

Ang lahat ng nalikom na donasyon ay ibibigay sa GMA Kapuso Foundation, na siya namang mamamahagi sa mga nasalanta ng pag-alburoto ng bulkan.

Personal ding nagpasalamat si GMA Worldwide President Annette Gozon, at GMA First VP for Program Management Joey Abacan sa mga tulong na ibinibigay ni Kuya Wil.

Bukod sa mga donasyon, nagbigay ng kaalaman at impormasyon ang programa matapos kapanayamin ni Kuya Wil sina Kapuso resident meteorologist Mang Tani Cruz, at Renato Solidum Jr., ng Phivolcs.

Nagbigay din ng inspirational numbers si Kuya Wil, at ilang Kapuso stars tulad nina Gerphil Flores at Julie Ann San Jose.

Nagpapasalamat si Kuya sa lahat ng tumulong at nagkaloob ng donasyon; at pati na rin sa pagkakataon na makapagbahagi siya ng tulong sa kaniyang espesyal na araw.--FRJ, GMA News