Bumubuti na ang lagay ni Carla Abellana ngayon matapos siyang dumaan sa iba't ibang sakit. Ayon sa aktres, ginagawa niya ang lahat para magkaroon ng healthy lifestyle at ipinapaubaya na niya sa Diyos ang lubos niyang paggaling.

Matatandaang na-diagnose si Carla ng asthma, tachycardia, hypothyroidism at liver damage habang nasa trip to Osaka, Japan kasama ang nobyong si Tom Rodriguez Disyembre noong nakaraang taon.

Sa media conference ng "Love of My Life" nitong Martes, ikinuwento ni Carla na 10 taon na niyang iniinda ang kaniyang tachycardia. Samantalang nagkaroon naman siya ng liver damage dahil allergic siya sa gamot para sa hypothyroidism.

"Ang mahirap lang po kasi nagsabay-sabay po sila. And then mahirap po kasi, I would spend three days a week at the hospital for checkups, follow-ups, tests. Siyempre magastos po, ang laki po talaga ng ginastos for all the tests, check-ups, treatments and medication," ani Carla.

"Mahirap po kasi sabay-sabay tapos kada punta ko po sa doktor may mahahanap na naman po or may complication or may ganito, hindi maganda 'yung test results," pagpapatuloy niya.

Dagdag pa ni Carla, nakadagdag pa sa hirap ng kaniyang sitwasyon na kailangan niyang paglaanan ng oras ang pagpunta sa doktor pagkatapos ng kaniyang taping ng show.

Nagtaka rin aniya si Carla dahil healthy ang kaniyang lifestyle, kung saan kumakain siya ng 1,200 calories per day at laging may workout na apat na beses sa isang linggo. Wala rin daw siyang bisyo.

Wala rin history ang kaniyang pamilya ng thyroid problem.

"At one point naitanong ko na rin kung bakit nagsasabay-sabay, tapos 'yung mga sakit pa walang gamot, 'yung tipong it's forever, there's no stop, maintenance lang. So sabi ko, but then okay sige, if this is how it should be, I would do everything that I can to have myself treated and go back to good health."

"Sabi ko na lang kay Lord is, 'Lord ginagawa ko na po lahat ng best ko para gumaling po ako. The rest, Kayo na po bahala," ani Carla.

Nakatatlong pasok daw sa ospital sa Osaka si Carla, kung saan nagkaroon ng problema sa naunang dalawa niyang pagbisita dahil walang marunong mag-English para matukoy ang kaniyang sakit. Sa pangtalong ospital na raw siya nagamot.

Ikinuwento ni Carla na misdiagnosis ang asthma niya.

"'Yung asthma po was apparently a misdiagnosis. Although nakakapanghinayang po kasi ang laki po ng ginastos ko tsaka naospital po ako dahil sa misdiagnosis ng asthma. Imagine nag-steriods po ako because of asthma which contributed to the weight gain even more."

Gayunman, walang plano si Carla na kasuhan ang doktor na nag-misdiagnose sa kaniya.

"We are going to inform the doctor po pero no plans of suing naman po. Importante lang po is, malaman po niya na na-misdiagnose po niya ako para lang po aware siya," sabi ni Carla.

"I'm sure hindi po ako 'yung first na na-misdiagnose niya, para lang po aware lang din po siya. To inform him lang po but we won't take it to court," dagdag pa niya.

Kasama ni Carla ang nobyong si Tom, Rhian Ramos, Mikael Daez at Ms. Coney Reyes sa "Love of My Life" na mapapanood sa Pebrero 3 sa GMA Telebabad.--FRJ, GMA News