Matapos ituon sa career ang kaniyang sarili, panahon na raw para kay Alden Richards ang 2020 na asikasuhin ang kaniyang love life.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ang magkaroon ng love life ang gustong mangyari ni Alden ngayong taon.

"Siguro to find a partner sooner, soon, ganiyan... Prospect naman, siyempre hahanap pa lang, January pa lang eh. Ngayon, ito na ang time. This is the time," anang aktor.

Blessing agad ang sumalubong kay Alden sa unang buwan pa lang ng 2020 dahil sa bago niyang endorsement.

Ilang shows din ang kaniyang ginagawa, tulad ng top-rating na "All-Out Sundays."

"Magaan 'yung show, 'yung mga kasama ko nakikita ko kung gaano sila ka-eager to be better in the craft of dancing, acting... Marami po sa mga bagong Kapuso stars, nakikita ko 'yung sarili ko dati nu'ng nagsisimula ako and parang nakakatuwa na isa na ko ngayong kuya," sabi ni Alden.

Bukod dito, magiging host din si Alden ng naiibang singing competition for kids na "Centerstage" kaya naman mas na-e-excite pa siya.

"'Yung mga edad po ng mga bata na nandu'n sa Centerstage is between 17 to 12 years old. Sobrang bata pero sobrang powerful ng mga singing prowess," ayon pa sa Asia's Multimedia Star.

Napapanahon ang pagsisimula ni Alden sa Centerstage dahil malapit nang matapos ang taping nila ng "The Gift."

Kamakailan, naantig ang mga manonood sa madamdaming eksena nila ni Jo Berry, na gumaganap bilang kaniyang ina sa series.

Ipinagmamalaki ni Alden ang nagiging takbo ng istorya ng "The Gift."

"Up to this point, hindi pa rin alam ni Sep na siya ang tunay na anak ni Nadia. Pero nagtataka siya kung bakit nagiging mabait at mabuti si Nadia sa kaniya for a cause. And to think na parang kinakalaban niya mismo ang sarili niyang anak para matulungan ako," ani Alden.--Jamil Santos/FRJ, GMA News