Isa si Kara David sa mga kinikilala at premyadong Kapuso broadcast journalist. Pero ang pagsisimula niya bilang news reporter nagkataon lang daw. Panoorin.

Sa panayam ni Pia Arcangel sa programang "Tunay Na Buhay," ibinahagi ni Kara ang kaniyang "humble beginnings," na nagsimula bilang isang PA/researcher para sa 1995 senatorial elections.

Hanggang sa isang gabi habang nagta-transcribe siya sa opisina, tumawag si Jessica Soho para maghanap ng taong mapapapunta sa isang coverage.

Nang sandaling, mayroon lumubog na barko at walang ibang reporter sa opisina kaya si Kara na lang ang pinapunta ni Jessica.

"Ewan ko, ang bait-bait lang siguro talaga sa akin ni Lord kasi first field duty ko tapos pagdating ko doon grabe ang mga ibinigay na case studies sa akin," pag-alala ni Kara.

"Tapos sabi sa akin ni Ma'am Jess, 'Marunong ka palang magsulat,' tapos sinabi niya kay Ma'am Marissa (Flores), marunong magsulat itong batang ito, i-promote mo.' So naging writer ako," dagdag niya.

Dahil dito, naging writer na siya para sa "Brigada Siete" at "Emergency." Taong 2001 naman nang makasama siya sa "I-Witness," kung saan nakagawa siya ng award-winning documentaries.

Napanood din si Kara sa GMA News and Public Affairs programs na "OFW Diaries," "News To Go" kasama si Howie Severino, at "Powerhouse."

Nakita naman ang light at bubbly side ni Kara sa "Pinas Sarap." At kalaunan, naging host na rin si Kara sa "Brigada." Panoorin ang buong bahagi ng naturang episode ng "Tunay Na Buhay."--FRJ, GMA News