Tinupad ni Alden Richards ang kahilingan ng isang batang may brain tumor na makita at marinig ang boses niya nang personal nang bisitahin siya ng aktor sa ospital.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang pagbahagi ni Bernard Nipales ng video ng kaniyang anak na si Bernzyrylle Nipales o "Chuchay " sa Facebook.

Marami ang naantig sa video ni Bernard nang i-post niya ito noong linggo. Humingi siya ng tulong sa kaniyang post para makuha ang atensyon ni Alden.

Limang-taong-gulang na si Chuchay at lumalaban sa brain tumor, at tanging hiling nito na makita at marinig ang boses ni Alden.

Napapangiti si Chuchay sa tuwing binabanggit ng kaniyang ama ang pangalan ni Alden, kahit nasa ospital siya at hinaharap ang pagsubok.

Hindi pa umaabot ng isang oras nang mag-viral ang post ni Bernard,  kaagad na natungo si Alden kay Chuchay kahit kararating lang niya sa Pilipinas mula Thailand.

Bukod sa pagbisita, nagbigay din ng tulong at dasal si Alden para kay Chuchay

Kasunod nito, nagtungo ang GMA News sa Philippine General Hospital kung saan nakaratay si Chuchay. Pero nagpapahinga ang bata kaya ang amang Bernard ang nagpaunlak ng panayam.

Ayon kay Bernard, isang taong gulang pa lang si Chuchay nang magsimulang mahumaling ito sa tambalang "AlDub."

Tinutukan din ni Chuchay ang latest drama series ni Alden na "The Gift."

Pilit na nagpapakatatag si Bernard para kay Chuchay sa kabila ng kanilang nararanasang hamon sa buhay.

"Doon mo talaga masasabi na, sasabihin na sa 'yo na parang wala ng pag-asa, pero 'di ko pinanghahawakan iyon 'yung walang pag-asa, hanggang humihinga 'yung bata, hangga't may tibok, may pagasa 'yun" ani Bernard.

Labis ang pasasalamat ni Bernard kay Alden sa pagbibigay nito ng inspirasyon sa kanila, lalo na kay Chuchay.

"Wish ko na grant ni Alden. Talagang nakikita ko ngayon sinend ko sa kaniya na tumatawa si Chuchay, 'pag sinasabi 'yung pangalan niya ngumingiti, nagpapalakas sa kaniya. 'Di ko nakikitaan ng panghihina... Sa ngayon lumalaban po talaga siya, si God nagpapagaling sa kaniya," ayon pa kay Bernard.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News