Inamin ni Dumanjug, Cebu Mayor Gungun Gica na siya ang motorcycle rider na nahuli-cam na nag-counterflow at sumalpok sa isang van sa Minglanilla, Cebu. Ang alkalde, handa raw harapin ang imbestigasyon ng Land Transportation Office at ang suspensyon ng kaniyang lisensiya.
Batay sa ulat ng GMA Regional TV na ipinalabas sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa video na isang van ang papaliko sa national highway sa Barangay Pakigne noong Linggo, nang sumulpot ang isang motorsiklong nag-counterflow at bumangga sa van.
Sa isang social media post, umamin si Gica na siya ang nagmamaneho ng motorsiklo.
Paliwanag niya, masyadong matagal ang traffic lights sa lugar kaya siya nangambang maaabutan na naman siya ng stop. Nag-counterflow umano siya nang makitang maluwag ang kabilang linya.
Umamin ang alkalde na mabilis ang kaniyang pagpapatakbo. Hindi raw niya alam na may U-turn slot sa lugar dahil inakala niyang no left turn sa buong Minglanilla.
Tatlong buwan pa lamang ang motorsiklo ng alkalde at mayroon itong temporary plate number.
Sinabi ni Gica na inilagay niya ang plaka sa bag dahil maluwag umano ang pagkakakabit nito.
Ayon sa pulisya, nagkasundo na ang magkabilang panig kaya wala nang isasampang reklamo laban sa alkalde, na sasagutin ang pagpapagawa sa van.
Isinailalim ng LTO Region 7 sa 90-day preventive suspension ang lisensiya ni Gica habang naka-impound ang kaniyang motorsiklo.
Humingi ng paumanhin ang alkalde sa pagkakamali at sinabing handa siyang harapin ang imbestigasyon ng LTO at ang suspensiyon ng kaniyang lisensiya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
