Matapos maging isang ganap na piloto, magsisilbi na rin ang singer at aktor na si Ronnie Liang bilang 2nd lieutenant sa Philippine Army.
Nitong February 14, 2020 nagtapos si Liang sa military training sa Armor “Pambato” Division (AD) ng Army.
Nag-qualify ang singer-actor sa Philippine Army dahil sa kanyang college degree, ROTC background at pagiging piloto.
Kumuha rin si Liang ng Mechanized Infantry Operations Training (MIOT) para madagdagan ang kanyang kakayahaan bilang isang Army reservist.
"Started this 2018 pa pero wala akong sinabihan. I actually volunteered. I said na gusto kong maging parte siyempre to serve the country, to help the community lalo na sa panahon ng pangangailangan," aniya.
Nagdesisyon daw siyang sumali sa Army dahil sa Marawi siege noong 2017 nang inatake ng grupo ng Maute-ISIS ang nasabing lungsod sa Lanao del Sur.
"Remember Marawi siege? ‘Yun ang nagpagising sa akin na talagang kailangan natin magtulungan as a nation," sabi ng aktor.
Kuwento ni Liang, ilan sa mga pinagdaanan niya sa kurso ay battle drills, armored vehicle defensive driving at raid mission training.
Dagdag pa ni Liang: "Grabe ‘yung training. Such a humbling experience. Four a.m. pa lang gumigising na. Super strict sa time and kilos. Dapat talagang mabilis ka kumilos. From eating your food to taking a bath. Sobrang ma-physical nu'ng training but at the end of the day, iisipin mo na malaki ang maitutulong nu'n sa character mo and pagmamahal mo sa bayan natin.”
Bilang 2nd lieutenant, tumamggap si Liang ng black beret mula sa Armor Pambato Division Commander na si Major General Robert Dauz.
Bukod sa pagiging piloto at 2nd lieutenant Army reservist ng bansa, abala rin si Liang sa pagpo-promote ng kanyang bagong single kasama si Sarah Geronimo na may pamagat na “Liwanag”.
Isa si Liang sa mga mang-aawit na madalas mag-perform at mangharana sa Pambansang Morning Show na Unang Hirit ng GMA. —KG, GMA News
