Nauwi sa trahedya ang kasiyahan ng mga tao sa isang nightclub sa Goa, India nang masunog ang establisimyento at ma-trap ang ilan sa mga staff at parokyano. Sa mga paunang impormasyon, naging kalmado pa raw ang mga tao noong una nang mapansin nila ang apoy sa kisame.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage ng insidente na nagsisimula nang umapoy sa kisame habang may nagtatanghal sa entablado noong gabi ng December 7.
Napatigil sa pagtatanghal ang babae at tiningnan muna nila ang apoy na nagsisimula nang lumaki at magkaroon na rin ng makapal na usok.
Kalmado pa raw sa simula ang mga tao at may ilan na nagtatawanan. Ngunit hindi nagtagal, mabilis nang kumalat ang apoy sa club at marami ang hindi kaagad nakalabas.
Kabilang sa 25 nasawi ang hindi bababa sa 14 na staff ng club at ilang turista.
Mayroon ding mga nakaligtas na dinala sa ospital dahil sa tinamong mga paso sa katawan at nalanghap na usok.
Ayon sa isang saksi, siksikan noon sa loob ng night club dahil weekend.
Natanggap umano ng mga awtoridad ang impormasyon tungkol sa sunog dakong 12:04 am, at magdamag na inapula ng mga bumbero ang sunog.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, hinihinala na gas cylinder ang posibleng pinagmulan ng apoy. Pero sa pahayag ni Indian Chief Minister Pramod Sawant, indoor fireworks ang naging mitsa ng sunog.
Inaresto ng mga awtoridad ang apat na manager ng club habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon.—FRJ GMA Integrated News
