Nagpapasalamat si Gladys Reyes sa mga galit na galit na viewers sa kaniyang karakter na si Hazel Cruz sa GMA Afternoon Prime series na “Cruz vs. Cruz.” Patunay daw kasi na epektibo niyang nagagawa ang kaniyang trabaho kapag nagagalit sa karakter niya ang mga tao.
“Sabi mo nga, you cannot please everybody, right? Lalo na nga ‘pag nagbasa ka ng mga comment. Minsan may mga… parang akala nila, ako na yata talaga si Hazel. Talagang galit talaga sila sa 'kin. Pero, Tito Boy, pinakapalakpak ko ‘yun. Ang ibig lang sabihin nu’n, siguro naggagawa ko nang tama ‘yung aking trabaho,” sabi ni Gladys sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Dahil sa kaniyang role, hindi maiwasan ng ilang viewers na sukdulan nang magalit sa kaniya.
“Tito Boy, parang may death threat na eh. Oo, umabot na ‘yung gano’n, wini-wish nila talagang ma-tegi ako sa totoong buhay. Talagang sinasapuso nila ‘yung kasamaang ginagawa ni Hazel Cruz,” ani Gladys.
Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ni Gladys ang mga komento ng viewers sa kanilang proyekto.
“Pero siyempre po, ako natatawa. Pero, ‘di ba, ang mga netizen ngayon parang may direct access sila sa 'yo, na nakakarating sa'yo [kung] ano ‘yung mga sinasabi. I appreciate all your comments, good or bad, ganiyan. Siyempre mas kinikilig kami, ‘pag good ‘yan,” ayon sa aktres.
Napanonood ang “Cruz vs. Cruz” sa GMA Network ng 3:20 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes, at 2:30 p.m. ng Sabado. Kasama rin sa serye si Vina Morales [bilang Felma] na karibal ni Gladys kay [Manuel] na role ni Neil Ryan Sese.
Bibida rin si Gladys sa “The Heart of Music,” na mapanonood sa sinehan sa Disyembre 10.—FRJ GMA Integrated News
