Isang security guard ang natapuang patay na may tama ng bala ng baril at may saksak sa Talakag, Bukidnon. Ang biktima, umalis ng bahay para umano hanapin ang nakawala niyang alagang baka.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng 35-anyos na biktima nitong Sabado sa Sitio Babagyohan, Barangay Dagumbaan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima noong Biyernes ng gabi, matapos umalis para hanapin ang alaga nilang baka, na ayon sa kaniyang kaibigan ay nakakawala.

Ngunit kinabukasan, pinuntahan ng ina ng biktima ang lugar kung saan naghanap ang sekyu, at doon na nakita ang kaniyang bangkay.

Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Director, Major Joann Navarro, may tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo ang biktima, at mayroon ding saksak o sugat sa likuran.

Walang maisip ang pamilya ng biktima kung sino ang posibleng pumatay sa kaniya dahil wala silang alam na nakaaway nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen para mahuli ang salarin.—FRJ GMA Integrated News

.