Parang eksena sa isang action movie ang ginawang pagnanakaw ng isang grupo ng mga kawatang sakay ng mga motorsiklo sa Maharashtra, India. Ang target nilang kunin, ang mga bagahe na nasa isang umaandar na bus na umaarangkada sa national highway.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video footage ng isang pampasaherong bus na mabilis na bumibiyahe sa Beed Solapur National Highway. Nakabuntot naman sa bus ang dalawang motorsiklo na may sakay na tig-dalawang tao.
Maya-maya lang, sumenyas ang isa sa mga kawatan na hudyat para mag-overtake ang isang motorsiklo upang makalapit sa likuran ng bus.
Ilang saglit pa, isinagawa na ng isa sa mga backrider ang kaniyang buwis-buhay na stunt. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan habang umaandar ang motorsiklo at malapit sa likuran ng umaarangkada ring bus.
Mula sa likod, hinakbangan niya ang rider upang makasampa sa bus. Nasa likod pala ng bus nakapuwesto ang compartment na kinaroroonan ng mga bagahe.
Nang mabuksan ng backrider ang compartment ng bus, isa-isa niyang inilaglag sa kalsada ang mga bagahe habang nakasunod pa rin ang mga kasamahan niya.
Nang tumigil ang bus, kaagad na tumalon ang backrider at tumakbo patungo sa kaniyang mga kasamahan.
Ayon sa pulisya, 10 mula sa 17 bagahe ang natangay ng mga kawatan. Gayunman, hindi tinukoy ng mga awtoridad ang halaga ng mga ito.
Patuloy pa umanong tinutugis ang mga pulis ang mga suspek sa nakawan. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
