Hindi pinatawad ng isang hospital staff ang isang pasyenteng kamamatay lang matapos niyang kunin umano ang mga alahas na suot nito sa Delhi, India.
Sa video na nakalap ng Krishna Nagar Police, na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang hospital staff na tila may kinukuha mula sa pasyenteng nakahiga sa hospital bed.
Kamamatay lang umano ng pasyente at lumabas sandali ang anak nito upang ayusin ang papeles ng kaniyang ina.
Tinanong ng anak ang hospital staff matapos nilang mapansin na nawawala na ang alahas ng kaniyang ina. Ngunit ang staff, iginiit namang hindi nila nakita ang mga alahas.
Minabuti ng pamilya na suriin ang CCTV camera at dito na nabuking ang attendant na may tila kinuha sa namatay na pasyente.
Nagsampa na ng pormal na reklamo ang anak ng pasiyente laban sa hospital staff. Hindi naman naglabas ng pahayag ang suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated New

