Ikinuwento ni Zia Quizon na sa online niya nakilala ang kaniyang naging asawa na si Aleksa Rahul. At para matiyak na tunay na tao ang kausap niya online, pumunta pa si Zia sa Serbia kung saan nakatira ang binata.

Sa nakaraang episode ng "Fast Talk With Boy Abunda," tinanong ng King of Talk si Zia kung papaano niya nakilala si Aleksa.

"We just met naturally," saad ni Zia na hindi na tinukoy kung papaano sila nagkakilala ni Aleksa online. "Just through mutual interest organically online. It happens more nowadays, but it's also something that can definitely still be unsafe. You have to be very cautious."

"Sobrang praning din ako at that time," patuloy niya. "I'm not even on the mga apps or anything like that so I didn't know, ano ba 'yung protocol dito? Paano makipag-eyeball? How do I stay safe?"

Dahil naging magkasundo sila, sinabi ni Zia na nagpasya siyang magtungo sa Serbia para personal na makita si Aleksa matapos ang ilang buwan nilang komunikasyon online.

"I was really like, 'Okay, I want to go there and make sure you're real,'" sabi ni Zia. "Baka ma-catfish ako dito."

Ayon pa kay Zia, hindi raw naniwala agad si Aleksa na pupunta siya sa Serbia kaya ipinakita niya ang plane ticket na binili niya.

"And we met, and he was real, you know," patuloy ni Zia. "And we hit it off."

Ikinasal ang dalawa noong 2022. Naging usap-usapan din online ang post ni Zia na "proof of wife" at "proof of husband" bilang tugon sa mga nagdududa sa gender identity ng kaniyang asawa dahil sa pangalan nito.

Si Zia ay anak nina Zsa Zsa Padilla at namayapang comedy king na si Dolphy. —FRJ GMA Integrated News