Natupad na ang pangarap ni Super Tekla na magkaroon ng sarili sasakyan na produkto umano ng kaniyang pagsisikap sa trabaho. Sa sobrang pagmamahal niya sa kaniyang kauna-unahang sasakyan, pinangalanan pa niya ito.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Tekla na pangarap lang niya noon na magkaroon ng sariling sasakyan pero hindi niya inasahan na brand new.

"Sanay ako sa bukid eh kasi ang mga transportation namin dun kalabaw, kabayo. Pero hindi talaga akong mangangarap na ibibigay itong ganito kasi 'di ba kadalasan 'pag may kotse second hand. Ito brand new at talagang galing sa katas ng pinaghirapan mo," kuwento ng komedyante.

Dahil katas ng kauna-unahan niyang pelikula na "Kiko En Lala" ang kotse, pinangalanan niya itong "Kiko."

At nang magasgasan daw ang bumper nito dahil sa kaniyang pagparada, felling heartbroken daw siya.

Todo-bantay din siya kapag pinapa-carwash ang sasakyan.

Labis daw ang pagpapahalaga ni Tekla sa kaniyang sasakyan dahil simbulo daw ito ng kanyang paglayo sa dating mga bisyo at natutong mag-ipon sa tulong ng mga tamang tao na sasamahan.

Pero hindi pa rito nagtatapos ang tagumpay ni Tekla dahil ang sunod na pangarap niya na matutupad, ang magkaroon ng bahay.--FRJ, GMA News