Sa panayam niya sa Dobol B sa News TV nitong Martes, inilahad ni Carl na nakakarinig din siya ng mga hindi magaganda mula sa ibang tao.

"Oo naman po like sa posisyon ko ngayon, 'Naku, bakit mo ina-idolize yan? He is just a simple singer, ano lang naman siya...,'" saad ng Season 2 Clasher.

"Instead na mapanghinaan ka ng loob, kumbaga sabi ko 'Sige lang okay lang yan. Kasi naniniwala ako na yung mga taong ganiyan, yung mga taong namba-bash, nangto-troll, yan yung mga taong du'n na lang nila nilalabas 'yung rejections nila. 'Yun 'yung way nila siguro para mas mapansin," pagpapatuloy ni Carl.

Mas malala pa raw ang iba niyang narinig kung saan sinabi ng iba na hindi siya nababagay sa showbiz dahil sa kaniyang kalagayan.

"Tuloy lang din po talaga, kahit na nakakarinig na ako ng mga grabe. 'Ilang beses na 'yang sumali sa ganito, ganiyan, ayaw pa talaga tumigil, ayaw na lang niyang tanggapin na hindi puwede ang blind sa showbiz.' So grabe po."

May tugon naman si Carl tungkol dito.

"Well it's fine, it's fine. Gusto ko ito eh, pangarap ko 'to, mahal ko 'yung music eh," anang singer.

Para kay Carl, depende sa isang tao kung paano niya dadalhin ang kaniyang mga pagsubok.

"Full of challenges talaga, masasabi ko kasi ang buhay parang tug of war eh, makikipaghilahan ka eh, lalo pa sa mundong ito, may magkakagusto, ang daming magdidisgusto," sabi ni Carl.

Nag-viral kamakailan ang video ni Carl habang kinakanta niya ang "Too Good at Goodbyes" ni Sam Smith.

Sumubok sa Season 2 ng "The Clash" si Carl at nakarating siya sa top 64. —NB, GMA News