Masaya na may kaunting lungkot daw na ipinagdiwang ni Maine Mendoza ang kaniyang 25th birthday. At dahil nasa edad na, tinanong si Maine kung handa na silang mag-settle down ng nobyong si Arjo Atayde.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing masaya ang Phenomenal Star dahil nakipagdiwang sa kaniyang kaarawan sa "Eat Bulaga" ang kaniyang pamilya.
Naging manlalaro pa ng "Bawal Judgmental" segment ang bunsong kapatid niyang si Nicholas Dynn.
May lungkot din si Maine dahil hindi natuloy ang trip niya sa Hokkaido, Japan ngayong araw dahil sa panganib ng COVID-19.
Matatandaang certified "travel goals" din si Maine na nililibot mula local spots to abroad.
"Sobrang nilu-look forward namin itong Hokkaido and talagang big group din kami kasama ang mga friend ko. So sobrang buzz kill na nagkaroon ng case du'n, talagang state of emergency 'yung buong place so nakakalungkot," sabi ni Maine.
Inilahad ni Maine ang kaniyang hiling sa kaarawan nitong Martes.
"Peace of mind. Kasi minsan masyado akong over thinker at marami akong iniisip so gusto ko lang ng peace of mind this year," anang EB Dabarkads.
Dahil nasabi ni Arjo sa isang panayam na napag-usapan na nila ang isyu ng kasal, natanong si Maine kung handa na rin siyang dalhin "to the next level" ang relasyon nila ng aktor.
"Ay 'yung ganoon, wala pa tayo du'n," saad ni Maine. "Kasi lima kaming magkakapatid tapos dalawa pa 'yung kapatid ko na hindi pa nakakasal so sunud-sunod 'yan. Alam mo naman sa probinsya dapat ganoon, you can’t break the chain kumbaga."
Dagdag pa ni Maine, "Feeling ko by the time na makasal 'yung dalawa kong kapatid okay na din for me to settle down."
Inihayag din ni Maine kung anong edad niya binabalak magpakasal.
"Before I turn 30 po siguro. When I turn 28 or 29, so that's three or four years from now, malayo pa," sabi niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
