Patuloy pa rin na mapapanood ang GMA News Pillar at "24 Oras" anchor na si Tita Mel Tiangco sa GMA Network matapos siyang mag-renew ng kontrata bilang Kapuso nitong Miyerkoles.

"There's no other way but to be a Kapuso. There's no other way but to be here at GMA," saad ni Tita Mel sa pagpirma niya muli ng kontrata.

"Sabi nga nila eh, 'yung lugar where you find appreciation, where you find love, where you find care, that's where you belong, and that is where I belong," dagdag pa niya.
 



Bukod sa "24 Oras," si Tita Mel din ang host ng Kapuso drama-anthology na "Magpakailanman," at found and ambassador ng GMA Kapuso Foundation.

Binigyan-diin ni Tita Mel ang kahalagahan ng pagbabalita nang tama lalo na sa panahon ngayon.

"'Yung balitang tama. Napakahalaga talaga sa mga pangyayari sa mundo, pangyayari dito sa ating bansa, napakahalaga ng balita. Dapat parati ninyong sinusubaybayan," ani Tita Mel.

Dumalo sa naturang contract signing kanina sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit Jr., EVP and CFO Felipe S. Yalong at SVP for News and Public Affairs Marissa L. Flores.

"Alam naman ng lahat kung gaano kagaling ni Mel Tiangco as an anchor, not only of news, pero 'yung top-rating program na Magpakailanman. At 'yung kaniyang sincerity na makapagserbisyo sa mga tao sa Kapuso Foundation, talagang hindi mo makukuwestiyon 'yan," saad ni Atty. Gozon.

"Kaya naman talagang we are lucky to have Mel Tiangco with us," dagdag ni Atty. Gozon. -- FRJ, GMA News